Matagumpay na nakapangholdap ang mag-asawa sa isang taxi driver nang isama ng mga ito ang limang anyos nilang anak na sumakay sa taxi.
Luhaan namang dumulog sa Quezon City Police District-station 2 ang biktimang si Rodolfo Pasyon, nasa hustong gulang, may-asawa, upang idulog ang sinapit nito sa kamay ng ‘di nakilalang mag-anak.

Sa imbestigayon ng pulisya, ala-una ng madaling-araw nang maganap ang panghoholdap sa Bgy. San Antonio ng nasabing lungsod.

Sa pahayag ng biktima, sumakay ang magpamilya sa minamaneho nitong KNQ taxi na may plakang TWS-751 sa 10th Ave., Caloocan City at nagpahatid sa Project 7, QC.

Sinasabing pagsapit sa isang madilim na lugar sa Del Pilar St., San Francisco del Monte, Bgy. San Antonio ay agad na tinutukan ng baril ng lalaki na nakaupo sa unahan ang driver habang patalim naman ang itinutok ng babaeng pasahero na nasa likod kasama ang paslit at nagdeklara ng holdap.

Dito ay sapilitang kinuha ng mga suspek ang maghapong kita ng biktima na umaabot sa P2,500 bago pinababa ang una sa sasakyan nito at mabilis na tumakas sa ‘di nabatid na direksyon