got this from my email. what can you say?

Lathala ng isang Pilipino,
Tan ang apelyido,
Mukha raw Koreano,
Ngayong ika-28 ng Junyo, 2005

Hinahangaan ko ang pag-amin ni GMA na sya nga ang nasa
"Hello Garci" tapes. Mahirap umamin sa isang bagay na
alam mong ginawa mo, alam mong mali, alam ng marami na
ginawa mo, at alam ng marami na mali. Sabi ko nga sa
aking kaibigan, "meron syang bayag".

Inako ni GMA ang pagkakamali at kahit minsan ay hindi
nabanggit ang pangalan ni Garci. Pinalabas niya na
nag-usap lang sila dahil interesado siyang manalo, pero
walang nabanggit sa tapes na nagpapatunay na may
nangyaring dayaan. Umaayon ako sa pinapalabas niya,
circumstantial lang ang ebidensya. Maaaring may
patunay na gusto niyang mandaya, subalit walang
patunay na nakapangdaya nga siya.

Humingi rin ng tawad si GMA at nangako na tutuparin
niya ang sinumpaan niya bilang pagkapangulo ng Pinas.
Hindi ako naniniwala na magiging malinis nga ang
panunungkulan niya simula ngayon. Subalit (ulit),
umaasa naman akong may kahihiyan din ang taong ito at
may kailangan din siyang protektahan na pangalan ng
mga Macapagal.

Balita na pagbibitiwin na raw ang mga congressman na
anak niyang nasangkot sa jueteng. Maaaring delikadesa
na nga lang na pinagbitiw ni GMA ang mga bata kasi nga
e buko na talaga, pero wala namang tunay na
sinasampang kaso at wala namang maiharap na matibay na
ebidensya. Maaari din namang nagpatigas sila ng mukha
at magpatuloy sa pag-kubra ng pinagpawisan ng
manggagawang Pinoy. Subalit (muli), pinili nilang
bawasin ang nagpapagulo o pinagmumulan ng mga
iskandalo. (Maaaring naaalala nyo pa ang mga kawani
ng mga Marcos, lantarang buko na, tuloy pa rin sa
pangungurakot.)

Naghihirap ang Pinas. Pati rin naman ang US, ang
Europa, at ang iba pa. Gaano nga ba kadali humanap ng
trabaho ngayon? Ang kinikita mo ba e dumarami ang
mabibili o umuunti ang kayang bilhin? Kung may
natutunan ako sa economics, ang mga hakbang na
ginagawa ngayon ng gobyerno, kahit magpapahirap sa
panandalian, e magbubunga ng kaunlaran sa kinalaunan.

Naniniwala ako sa mga inaakusa kay GMA, hindi malinis
ang kanyang pamamalakad. Pero mas malinis naman siya
kaysa sa mga nakapila na gustong pumalit sa kanya.

Kung kayo ang papapiliin, sino ang gusto ninyong
ipalit kay GMA ngayon? Si Noli de Castro bilang VP?
Si Drilon bilang Senate President? Kung hindi itong
dalawang ito e bastusin na nga natin ng husto ang kung
anumang natitirang karespe-respeto sa saligang batas
at gumamit tayo ng extra-constitutional means! Si FPJ
e patay na, si Erap ba sa pamamagitan na naman ng
People Power? Si Lacson sa pamamagitan ng kudeta? Si
Angara kahit papaano ko isipin e hindi pwede talaga.
Si Davide e dating parang pwedeng pagkatiwalaan,
kulang nga lang sa karisma. Si Ramos na minsan ay parang
may mga kinalaman sa mga pangyayari. Si Cory
e masyadong marami nang problema kay Kris pa lamang.
Si Loren na masyadong ambisyosa (na kahit botohan sa
pamamagitan ng taasan ng kamay eh di mananalong talaga).
Si Imelda (di ba kilalang-kilala mo na dapat lahi nya?)?
Si Jinggoy na pangalawa sa matinding kumuha ng
jueteng payola (una syempre ang kanyang ama)?
Si Susan Roces na ginagamit ang patay at nananahimik na
niyang asawa? Isama mo na si Rez Cortes, Nino Muhlach
(ano bang pinagkakakitaan nila?), at Amang Parika o Amay
Bisaya, alin ba sa kanila?

Kung may natitira pa kayong pagmamahal sa Inang Bayan,
at kung may awa kayo sa mga kamaganak ninyong naiiwan
pa dito sa Pilipinas, nakikiusap ako sa inyo na wag na
ninyong gawing katawatawa ang nangyayari dito. Wag na
ninyo tulungan ang oposisyon na dagdagan ang mga
sumusuporta sa kanilang mahina ang pangunawa at
makitid ang panananaw. Wag na ninyong tulungan ang
oposisyon na sirain ang imahe at reputasyon ng
natitirang tao na maaaring maging gabay ng ating
kinalakihan tungo sa kaunlaran.

Sabi nga sa mabuting balita, "kung sino man sa inyo
ang walang kasalanan, sya na ang maunang pumukol".
Sino ba sa palagay ninyo ang may karapatan pumukol?

Kahit pa-hilahod, kahit pa-gapang, magiging mamamayan
akong tutulong magtayo ng bandilang bughaw, pula't
puti at dilaw. Hindi ko gagawing basahan ang ating
bandila bago iwagayway upang masilayan ng lahat ng
ibang bayan. Bagkus ay wawalisan ko ang sarili kong
bakuran. Kung sa munting paraan na ito ay may
mahikayat ako, kahit isa lamang, masasabi na rin naming
nagsisimula na kaming maglinis ng Pilipinas!

Ikaw? Ano balak mo sa buhay?